Madalas akong masabihang manhid ng maraming tao. Insensitive. Walang pakialam. Lahat ng exes ko sinasabihan ako ng ganito. Lahat na yata ng synonyms ng insensitive naibansag na sa ‘kin. Kahit yung term na defeatist, itinawag na rin sa ‘kin minsan ng isa kong professor. Kasi kahit ako ang talo minsan, tinatanggap ko na lang ‘yon na talagang parang walang pakialam. Gusto n’ya yata umiyak ako dahil natalo ako sa presidential election noong college pa ‘ko.
Sinubukan kong alamin kung paano ako naging insensitive. Napasulat pa ‘ko ng isang article tungkol sa childhood ko na na-i-publish ko na dito dati. Kahit bitin ‘yon, marami namang natuwa. Medyo jinustify ko lang ng konti ang pagiging insensitive ko at binigyan ng konting historical background. Pero hanggang ngayon, napapaisip pa rin ako at nangangarap na sana hindi ako naging ganito katigas. Pwede pa siguro kung sa ibang aspeto na lang ako tigasin. Pero buong pagkatao ko medyo matigas talaga.
Click to see/hide the rest of this post.
Minsan dini-deny ko pa sa sarili ko. Hindi ako naniniwala sa sinasabi ng iba na manhid ako. Kasi maraming beses na rin akong umiyak. Kadalasan nga lang ay dahil sa mga pinapanood kong pelikula. Paulit-ulit akong napapaiyak ng isang pelikula kahit napanood ko na ‘to dati. Mababaw man itong sukatan, palagay ko’y pwede na rin namang gawing patunay na hindi talaga ako manhid.
Sadya lang siguro akong mahiyain or malakas lang ang defense mechanism ko. Mahiyain dahil nahihiya akong makita ng mga tao na nagmumukhang kawawa.
Kung meron mang isang nangyari sa ‘kin na hindi ko napigilan ang sarili kong ngumawa in public, ‘yon ay nang ma-ospital Mama ko sa MCU. Pag-uwi ko mula sa office, naabutan ko ang pinsan ko sa bahay. Alam ko na nasa ospital Mama ko ng mga oras na ‘yon. Never nagkasakit ang Mama ko. Never umabot sa puntong kailangan na talaga s’yang itakbo sa ospital.
Pinag-uusapan ng mga pinsan ko ‘yong kapitbahay namin. Dahil nakita nga daw ng matanda naming kapitbahay ang Mama ko na nakaputi sa labas ng gate namin, nakangiti sa kanya at sumakay sa taxi. Samantalang nasa ospital sa mga oras na ‘yon ang Mama ko.
Narinig ko na ang mga ganitong klaseng kwento. Ito kuno ay isang senyales na namamaalam na ang isang tao. Inaamin ko na kinilabutan ako sa narinig ‘ko at biglang nag-flash sa ‘kin ang isang buhay na walang ina. Medyo nanlambot ako bigla. Pinipigilan ko ang sarili kong umiyak habang sumakay ako ng taxi papuntang MCU. Parang gusto kong bumaba para wrestlingin ‘yong mga pinsan ko. Pero hindi ko kayang gumalaw at the same time.
Pagdating ko sa ospital, naabutan ko ‘yong Tita kong OA. Walang pakundangan kung sumigaw nang makita ‘yong Mama kong nakaratay sa kama doon sa ospital. Naawa ako sa Mama ko. Nakapikit. Konting galaw, parang tinutusok ng bakal ang ulo. Pigil na pigil ang kilos pero hindi maipintura ang mukha sa sakit. Nauutal kapag nagsasalita at halos hindi mo maintindihan ang sinasabi.
Pero hindi ko na talagang nakayanan noong nagising ang Mama ko at nakita n’ya kong nakatingin sa kanya. Nakatayo na parang istatwa. Hindi kumikilos. Medyo nagbago ang aura n’ya. Parang bigla n’yang pinilit ang sarili n’ya na magmukhang okay. Siguro hindi ko na naitago sa reaksyon ng mukha ko na naaawa ako sa kanya, kaya pinilit n’yang magmukhang okay. Pero konting galaw ng kama at ingay sa paligid, bigla na namang hindi ma-i-describe ang reaksyon n’ya sa sobrang sakit na nararamdaman n’ya.
Medyo lumayo s’ya bigla ng tingin. Babagsak na rin talaga ang mga luha sa mata ko kaya bigla akong lumabas. Naramdaman ko ang gusto n’yang sabihin. Gusto n’yang lumabas ako dahil ayaw n’yang makita ko s’yang nahihirapan. Sumiksik ako sa hallway ng ospital kung saan wala masyadong tao at hinayaan ko lang na bumuhos lahat ng luha sa katawan ko. Bakit parang alam ng Mama ko na masasaktan talaga ako ng sobra-sobra? Parang hanggang sa huling pagkakataon gusto n’yang protektahan ang emosyon ko. Ayaw n’ya kong masaktan, Ayaw n’ya kong umiyak. Doon ko sobrang naramdaman na mahal na mahal ako ng Mama ko.
Pero higit pa d’yan ang natutunan ko sa sandaling ‘yon. Sa mata ng Mama ko, alam n’yang sensitibo ako. Na kahit pinipilit ko lagi na magmukhang okay sa mga sitwasyong hindi kaaya-aya, nasasaktan ako deep inside. Dahil sa kaloob-looban ko, meron akong malaking puso. Meron akong pakialam.
1 comment:
I remember that time when my Mama passed away while Im reading this post. You were more fortunate than I because you were by her side during those moments. I wasn't. Up to now, I'm living that biggest regret. It's been 2 years.
:(
Post a Comment